Related Reading
Search Clinical Content Search Health Library
A B C D E F G H I J K L M N O P Q R S T U V W X Y Z A-Z Listings

Sciatica

Isang kondisyon ang sciatica na nagdudulot ng pananakit sa ibaba ng likod na kumakalat pababa sa puwit, balakang, at binti. Kung minsan nangyayari ang pananakit ng binti nang walang anumang pananakit ng likod. Nangyayari ang sciatica kapag nairita ang nerve ng gulugod o may presyon na inilalagay rito habang lumalabas ito sa spinal canal sa ibaba ng likod. Kadalasang nangyayari ito kapag ang isang umbok o pagkasira ng isang malapit na spinal disk ay dumidiin sa nerve. Maaari ding sanhi ang sciatica ng pagkitid ng spinal canal (spinal stenosis) o pulikat ng kalamnan sa puwitan na dinaraanan ng sciatic nerve (piriformis muscle). Maaari ding tawaging lumbar radiculopathy ang sciatica.

Maaaring magsimula ang sciatica pagkatapos ng biglaang puwersa ng pagpilipit o pagbaluktot, tulad ng sa isang aksidente sa sasakyan. O maaari itong mangyari pagkatapos ng isang simpleng hindi akmang paggalaw. Sa alinmang kaso, madalas ding nangyayari ang pamumulikat ng kalamnan. Pinalalala ang pananakit ng pamumulikat ng kalamnan.

Gumagawa ang tagapangalaga ng kalusugan ng diagnosis ng sciatica mula sa iyong mga sintomas at pag-eksamin ng katawan. Maliban kung nagkaroon ka ng pinsala mula sa isang aksidente sa sasakyan, karaniwang hindi ka kukuhanan ng X-ray sa pagkakataong ito. Ito ay dahil ang mga nerbiyo at disk sa iyong likod ay hindi makikita sa isang X-ray. Kung naghihinala ang tagapangalaga ng isang compressed nerve batay sa iyong kasaysayan o eksamin, kakailanganin mong mag-iskedyul ng MRI scan. Ang mga nerve conduction study at electromyography ay mga pagsusuri sa nerbiyos na makatutulong din na malaman ang sanhi ng pananakit ng nerbiyo. Kasama sa mga palatandaan ng isang compressed nerve ang pagkawala ng lakas o reflexes sa isang binti.

Gumagaling ang karamihang sciatica sa pamamagitan ng gamot, ehersisyo, at physical therapy. Kung nagpapatuloy ang iyong mga sintomas pagkatapos ng medikal na paggamot, maaaring kailanganin mo ng operasyon o mga turok (mga iniksyon) sa ibaba ng iyong likod. Magdedepende ito sa kung gaano katindi ang iyong mga sintomas.

Side view ng ibabang likod na nagpapakita ng lumbar vertebrae, sacrum, at sciatic nerve.

Pangangalaga sa tahanan

Sundin ang mga payong ito kapag nangangalaga sa iyong sarili sa iyong tahanan:

  • Sa lalong madaling panahon, simulan ang pag-upo o paglakad. Makatutulong ito sa iyo na maiwasan ang mga problema na nagmumula sa pananatili sa kama nang mahabang panahon.

  • Kapag nasa kama, subukang humanap ng posisyon na kumportable. Pinakamahusay ang isang matigas na kutson. Subukang humiga nang patag na may mga unan sa ilalim ng iyong mga tuhod. Maaari mo ring subukang humiga nang patagilid na nakabaluktot ang iyong mga tuhod papunta sa iyong dibdib at may isang unan sa pagitan ng iyong mga tuhod.

  • Huwag umupo nang napakatagal. Nagdudulot ito ng higit na stress sa ibabang bahagi ng iyong likod kaysa pagtayo o paglakad.

  • Gumamit ng init mula sa isang mainit na shower, mainit na paligo, o heating pad upang makatulong na mabawasan ang pananakit. Makatutulong din ang masahe. Maaari mo ring subukang gumamit ng ice pack. Maaari kang gumawa ng sarili mong ice pack sa pamamagitan ng paglalagay ng mga ice cube sa isang plastic bag na nakaselyo sa itaas. Ibalot ang bag sa isang manipis na tuwalya. Parehong subukan ang mainit at malamig upang malaman kung alin ang pinakamainam. Gamitin ang paraan na pinakamainam sa pakiramdam sa loob ng 20 minuto ilang beses sa isang araw.

  • Maaari kang gumamit ng acetaminophen o ibuprofen para mabawasan ang pananakit, maliban kung may iniresetang ibang gamot sa pananakit. Tandaan: Kung mayroon kang pangmatagalang sakit sa atay o kidney, makipag-usap sa iyong tagapangalaga ng kalusugan bago inumin ang mga gamot na ito. At, makipag-usap sa iyong tagapangalaga kung nagkaroon ka ng ulser sa sikmura o pagdurugo sa sikmura at bituka.

  • Gumamit ng mga ligtas na paraan ng pagbubuhat. Huwag magbuhat ng anumang bagay na mas mabigat kaysa ipinayo hanggang mawala ang lahat ng pananakit.

Follow-up na pangangalaga

Mag-follow up sa tagapangalaga ng iyong kalusugan, o ayon sa ipinayo. Maaaring kailanganin mo ng physical therapy o marami pang pagsusuri.

Kung kinuha ang mga X-ray, titingnan ito ng isang radiologist. Sasabihan ka kung may anumang bagong natagpuan sa iyong resulta na makakaapekto sa iyong pangangalaga.

Kailan hihingi ng medikal na pangangalaga

Tumawag kaagad sa tagapangalaga ng iyong kalusugan kung alinman sa mga ito ang mangyari:

  • Lumalala ang pananakit kahit pagkatapos uminom ng iniresetang gamot

  • Panghihina o pamamanhid sa 1 o magkabilang binti o balakang

  • Pamamanhid sa iyong singit o lugar ng ari

  • Hindi mo nakokontrol ang iyong pagdumi o pag-ihi

  • Lagnat na 100.4°F (38°C) o mas mataas, o ayon sa ipinayo ng iyong tagapangalaga

  • Pamumula o pamamaga sa ibabaw ng iyong likod o gulugod 

Online Medical Reviewer: Anne Fetterman RN BSN
Online Medical Reviewer: Joseph Campellone MD
Online Medical Reviewer: Raymond Kent Turley BSN MSN RN
Date Last Reviewed: 5/1/2022
© 2000-2025 The StayWell Company, LLC. Lahat ng mga karapatan ay nakalaan. Ang impormasyong ito ay hindi nilalayon bilang kapalit ng propesyonal na medikal na pag-aalaga. Laging sundin ang mga tagubilin ng inyong propesyonal sa pag-aalaga ng kalusugan.
Powered by Krames by WebMD Ignite
About StayWell | Terms of Use | Privacy Policy | Disclaimer