Health Encyclopedia
Search Clinical Content Search Health Library
A B C D E F G H I J K L M N O P Q R S T U V W X Y Z A-Z Listings

Contact Dermatitis

Isang pantal sa balat ang contact dermatitis na sanhi ng isang bagay na dumadampi sa balat at nagdudulot ng iritasyon at pamamaga. Maaaring mapula, namamaga, tuyo, at may bitak ang iyong balat. Maaaring mabuo at tumagas ang mga paltos. Mangangati ang pantal.

Kadalasang namumuo ang contact dermatitis sa mukha at leeg, sa likod ng mga kamay, mga bisig, ari, at ibabang binti. Ngunit maaari itong makaapekto sa anumang bahagi.

Maaaring makakuha ng contact dermatitis ang mga tao mula sa maraming pinagmumulan. Kasama sa mga ito ang:

  • Mga halaman, tulad ng poison ivy, oak, o sumac

  • Mga kemikal sa mga tina at pambanlaw ng buhok, mga sabon, solvent, wax, nail polish, at deodorant 

  • Mga alahas o strap ng relo na gawa sa nikel o kobalt

  • Goma (kabilang ang latex)

  • Mga pabango (matatagpuan sa mga pabango, lipstick, makeup, at sabon)

Hindi naipapasa ang contact dermatitis mula sa isang tao tungo sa iba.

Makipag-usap sa iyong tagapangalaga ng kalusugan tungkol sa kung ano ang nagdulot ng pantal. Maaaring gamitin ang patch testing, isang uri ng pagsusuri sa allergy, upang matuklasan kung sa anong bagay ka may allergy. Kakailanganin mong lumayo mula sa pinagmumulan ng pantal sa hinaharap upang maiwasang bumalik ito.

Ginagawa ang paggamot upang maibsan ang pangangati at maiwasang bumalik ang pantal. Dapat mawala ang pantal sa loob ng ilang araw hanggang ilang linggo.

Pangangalaga sa tahanan

Maaaring magreseta ng gamot ang iyong tagapangalaga ng kalusugan upang maibsan ang pamamaga at pangangati. Sundin ang lahat ng tagubilin kapag ginagamit ang mga gamot na ito.

Pangkalahatang pangangalaga

  • Umiwas mula sa anumang bagay na magpapainit ng iyong balat, tulad ng maiinit na shower o paligo, o direktang sikat ng araw. Maaari nitong palalain ang pangangati.

  • Maglapat ng cold compress upang mapaginhawa ang iyong mga pantal para makatulong na maibsan ang iyong mga sintomas. Gawin ito sa loob ng 30 minuto, 3 hanggang 4 na beses sa isang araw. Maaari kang gumawa ng cold compress sa pamamagitan ng pagbabad ng tela sa malamig na tubig. Pigain ang sobrang tubig. Maaari kang magdagdag ng colloidal oatmeal sa tubig upang mabawasan ang pangangati. Para sa matinding pangangati sa maliit na bahagi, maglagay ng ice pack na nakabalot sa isang manipis na tuwalya. Gawin ito sa loob ng 20 minuto, 3 hanggang 4 na beses sa isang araw.

  • Maaari mo ding subukan ang mga basang pantapal. Isang paraan upang gawin ito ay sa pamamagitan ng pagsusuot ng isang basang piraso ng damit sa ilalim ng tuyong damit. Magsuot ng mamasa-masang damit sa ilalim ng tuyong damit kung apektado ang iyong itaas na bahagi ng katawan. Maiibsan nito ang pangangati at makakaiwas ka sa pagkamot sa apektadong bahagi.

  • Maaari ka ring makatulong na maibsan ang pangangati ng malalaking bahagi sa pamamagitan ng paliligo ng maligamgam na may idinagdag na colloidal oatmeal sa tubig.

  • Gumamit ng hydrocortisone cream para sa pamumula at iritasyon, maliban kung may iba pang iniresetang gamot. Maaari ding mapaginhawa ng calamine lotion ang mga banayad na sintomas.

  • Gumamit ng oral diphenhydramine upang makatulong na mabawasan ang pangangati. Mabibili mo ang antihistamine na ito sa mga parmasya at tindahan ng grocery. Maaari kang antukin, kaya gumamit ng mas mababang dosis sa araw. Huwag gumamit ng diphenhydramine kung mayroon kang glaucoma o nahihirapan sa pag-ihi dahil sa lumaking prostate.

  • Kung ang halaman ang sanhi ng iyong pantal, siguraduhing hugasan ang iyong balat at labhan ang mga damit na isinuot mo nang nagkaroon ka ng kontak sa halaman. Ito ay upang maalis ang mga langis ng halaman na nagbigay sa iyo ng pantal at mas maiwasan o lumala ang mga sintomas. Kung may alaga kang hayop na napunta sa labas ng bahay, maaaring may langis din ang balahibo nito mula sa halaman. Paliguan ang iyong alagang hayop gamit ang sabon o shampoo.

  • Umiwas sa substansya o bagay na nagdudulot ng iyong mga sintomas. Kung hindi ka makakaiwas dito, magsuot ng mga guwantes o iba pang uri ng proteksyon

Follow-up na pangangalaga

Mag-follow up sa tagapangalaga ng iyong kalusugan, o ayon sa ipinayo.

Kailan dapat humingi ng medikal na payo

Tumawag kaagad sa tagapangalaga ng iyong kalusugan kung alinman sa mga ito ang mangyari:

  • Pagkalat ng pantal sa iba pang bahagi ng iyong katawan

  • Matinding pamamaga ng iyong mukha, talukap ng mata, bibig, lalamunan, o dila

  • Nahihirapan sa pag-ihi dahil sa pamamaga sa bahagi ng ari

  • Lagnat na 100.4°F (38°C) o mas mataas, o ayon sa ipinayo ng iyong tagapangalaga

  • Pamumula o pamamaga na lumalala

  • Pananakit na mas lumulubha

  • Tumatagas na mabahong likido mula sa balat

  • Manilaw-nilaw na kayumanggi langib sa nakabukas na mga paltos

Online Medical Reviewer: L Renee Watson MSN RN
Online Medical Reviewer: Michael Lehrer MD
Online Medical Reviewer: Rita Sather RN
Date Last Reviewed: 2/1/2022
© 2000-2025 The StayWell Company, LLC. Lahat ng mga karapatan ay nakalaan. Ang impormasyong ito ay hindi nilalayon bilang kapalit ng propesyonal na medikal na pag-aalaga. Laging sundin ang mga tagubilin ng inyong propesyonal sa pag-aalaga ng kalusugan.
Powered by Krames by WebMD Ignite
About StayWell | Terms of Use | Privacy Policy | Disclaimer